La Curaciòn de los Dolores en Dolores, Quezon (The Healing of Pains in Dolores, Quezon)

San Cristobal

Unang Kabanata – Dolores, mi Amores

Kaybilis ng mga pangyayari.

Ika-14 ng Enero taong 2011, Biyernes, alas otso, lingguhang pagpupulong ng Rotaract Club of San Pedro East.  Pero hindi iyon ang ipinunta ko sa Carinderia nina Alan at Sonny.  Hindi na ako Rotaractor. Nag text si BFF Alan. “Asan ka na?” Akala niya ay aatend ako ng miting.  Sakto namang nagutom ako kaya pumunta na rin ako. Pero wala nang pagkaing natira kundi kaunting sisig na siyang tanghalian ko at ang nilulutong pansit bihon ni Jeff para sa mga Rotaractors. Si Jeff ang punong tagapangasiwa ng canteen. Sige, idamay mo na ako sa pansit.  Natapos ang kainan. Natapos ang miting. Walang magawa. TGIF sana. Fellowship kung tawagin ng Rotaract. Nagyaya si Alan. Sumangyon ako. Sumang-ayon si Joan. Si Jeff at si James.  Si Joan ay isang istokwang Rotaractor katulad ko at ni Alan. Si James ay kasintahan ni Joan. Si Jeff din dating aktibong Rotaractor. Si Sonny dating presidente katulad ko.

Dalawang grandeng Red Horse sa bahay sa pagmamagandang-loob ni Alan at Jeff. Tama na yun. Hindi kami lasinggero.

Nabanggit pala ni Joan na pupunta sila ng Dolores, Quezon kinabukasan. Sabado. Sasama ba ako o hindi? Hindi dahil walang pera. Pero oo na rin dahil libre daw ni Dennis na tubong Dolores. Pero hindi pa ako naglalaba.

Naglaba ako nang umaga ng Sabado. Wala namang hang-over. Sa bahay natulog ang magsing-irog na sina Joan at James. Sa kuwarto ko.  Sa double-deck. Sila sa baba. Ako sa taas. Nang magising sila ay kaya-kanya na namang lakad. Si Joan magpapa medical para sa Company Healthcare nila. Si James naman ay may bookkeeping na trabaho sa Accounting firm nina Alan at Sonny ulit. Pero babalik daw si Joan para sa trip namin sa Dolores. Si James hindi daw makakasama. Sina Alan at Jeff naman ay umuwi na rin pagkatapos ng inuman. Hindi sila kasama sa Dolores. Si Alan ay may pasok sa La Salle sa kanyang Masteral samantalang si Jeff ay may aasikasuhin sa canteen.  Yung ibang Rotaractors ay hindi makakasama dahil sobrang dami ng projects nila sa weekend at higit sa lahat, hindi sila imbitado. Meron namang inimbita pero deadma. Kaya ang Masterlist: si Dennis, ang may ari ng bahay na tutuluyan namin; si Reiner, isang kick-out na Rotaractor at may mahalagang puwang sa puso ni Dennis, si Joan na ipinanganak na gala at ako, si ako.

Alas onse daw nang umaga ang tagpuan sa Alabang. Pero humirit si Toyo. Sasama daw siya. Si Toyo ay isa ding dating aktibong Rotaractor. Kaya hihintayin pa ang Toyo na mag-out sa half-day nyang trabaho sa Alabang. Sakto. Sa Alabang. Nadadagdagan na ang Masterlist. Pero wala talagang pag-asang makasama dina Radney, Kirby at Jaja. Busy-busyhan daw sila.

Dapat maka-alis nang maaga sa bahay dahil trapik. Walang problema sa labada. Tuyo naman kaagad dahil sa dryer. Hinihintay na lang si Joan galing sa Makati. Nasa Skyway na daw siya. Malapit na daw yon. Maya-maya din ay dumating na siya. Nadatnan niya akong kumakain ng pusit, sariwang sariwa galing sa lata. Kumain nang konti ang Joan at tinira ang cake na natitira sa ref.  Hindi pa rin pwedeng umalis pagkatapos nang lahat. Sasama daw si James. Hindi daw pwedeng hindi kasama si James. Packaged deal ang magsyota. Walang iwanan dahil walang katiwalaan at nagdududang baka may mangyaring katiwalian.

Malapit na daw si James,  hintayin daw siya.  Nag-text sa akin. Sana naman kapag sinabing malapit na ay mga tatlong hakbang lang ang layo. Hindi yung maghihintay ka pa nang isang oras.

Dumating din sa wakas. Kumpleto na. Nasa Alabang na sina Dennis, Reiner at Toyo. Kaming tatlo na lang ang hinihintay.

James at Joan

Reiner at Dennis

Reiner, naka peace. Toyo, naka shades.

SM San Pablo

Mabilis lang ang byahe maliban sa San Pablo na may piyestahan ng Sto. Niño.  Sa bayan ng San Pablo ang sakayan ng dyip papuntang Dolores. Medyo mabilis ang patakbo ng dyip. May takot pa naman ako sa mabibilis na sasakyan dahil na rin sa takot sa aksidente na kung tawagin ay dystychiphobia. Ayaw ko ng ganong scenario. Yung parang may pandemonium. Pagdating sa bayan ng Dolores, bumili kami ng tuyo. Si Toyo at Joan ay bumili ng Stick-O. Parang gusto kong bumili ng bigas dahil bumili sila ng Stick-O.  Palabas ng palengke, gusto naman naming bumili ng Pizza. Pero maya-maya ay napagpasyahan wag na lang dahil may sumakay ng tricycle at kami ay sasakay na rin ng tricycle.

Sobrang bilis magpatakbo ni Kuya. Naka backride pa naman ako. Sinabihan ko tuloy ng- “Kuya, dahan dahan lang may sakit ako sa puso.  Sa English, brokenhearted!” Binagalan naman niya nang konti. Pero mabilis pa rin. Adik yata si Kuyang driver. Pagkatapos nang makatanggal pangang takbo ng trike, sa wakas ay nakarating kami sa bahay nina Dennis.

Sobrang lamig sa Dolores. Umaabot siguro dun ng 15 deg celcius. Wala pang pagkain kaya binanatan namin ang sinturis. Alam nyo ba kung ano ang sinturis? Ang sinturis ay malaking kalamunding. Alam nyo ba kung ano ang kalamunding? Ang kalamunding ay maliit na lukban.  Alam nyo ba ang lukban? Tama pangalan din yun ng bayan sa Quezon na malayo-layo na din sa Dolores at malayu-layo na din ang narating ng ating usapan.  Ang sinturis ay dalanghita o dalandan sa Maynila. Ang kalamunding ay kalamansi at ang lukban ay suha o pomelo. Masaya dito sa Dolores, para din akong nasa Lemery, Batangas- ang lugar ng aking kapanganakan. Halos pareho ang salita at kapaligiran. Iyon nga lang mas mataas sa Dolores samantalang tabing dagat ang Lemery kaya iba ang panahon.  Parehong madami ding halaman. Masisiyahan ako dito sa Dolores. Sigurado. May obsessive-compulsive mania o philia ako sa halaman. May phytophilia ako o phytomania. Ako ay isang phytophile o isang phytomaniac.

Ang bahay nina Dennis

kalamunding

sinturis

lukban

Ito ang gusto ko sa probinsya. Tunay na mga tao ang sasalubong sa iyo. Kahit sino at anong klaseng tao ang dumating  ay malugod nilang tinatanggap. Niluto ni Toyo ang hawot na binili namin sa bayan ng Dolores. Ang hawot ay tuyo o dried fish. Siyempre may iba pang ulam. Panay ang bulos dahil sa sobrang gutom at pagod sa byahe.  Masarap ang manok pero star ng hapunan ang hawot. Kaya maya’t maya ay naghahabol si Dennis sa pagpriprito ng hawot. Masarap ang tuyo ni Toyo kaysa sa hawot ni Dennis. Iyon ay sa akin lamang namang opinyon. Makunat yun kay Toyo samantalang malutong ang kay Dennis. Agawan kami nina Joan at James sa hawot nakababad sa suka. Ako ang nagbabad, iba ang kumain. Katabi ko si Reiner na hindi naman naki-pyesta sa aming hawot dahil allergic sya sa amoy ng suka. Siguro nasusuka sya sa amoy ng suka. Maasim.

Ang Toyo at ang Kanyang Tuyo

Ang Hawot sa Kawali

Ang Hawot sa Hapag-kainan

Madilim na kaya wala nang hada. Bukas na lamang ang hadahan. Gala ang totoong ibig sabihin ng hada sa probinsya. Mali ang mga taga Maynila. Sila ang may kasalanan kung bakit nagkakaroon ng ibang kahulugan. Nakakabanas sila. Mabanas sa Maynila. Maginaw sa Probinsya.

Nag TV Marathon. Dwarfina. Dwarpigna. At yung batang may malaking ulo sa Wansapanataym na nakakatakot tingnan. Parang balut lang na tinalupan. Tapos Maala-ala mo Kaya. Ganito sa probinsya walang TV Network War. At walang cable kaya walang hassle sa mga channel na hindi mo naman maintindihan pero binabayaran.

Ikalawang Kabanata- May Tama Ka!

Tama na yan. Inuman na. Nag request ako ng lambanog dahil hindi ako maka move on doon sa lambanog na natikman ko sa Batangas na galing San Pablo. Pero ibang lambanog ang nakuha ni Dennis. Puti hindi kulay ihi. Unleaded daw yung puti samantalang gasolina yung kulay ihi. Lambanog sa sasa yung gusto ko. Pero sabi ni Dennis pareho daw yung lambanog sa sasa. May tama siya. Talagang tama. Ang sasa ay nipa palm sa Ingles. Kapamilya ng niyog. At kahit saan pa mang halaman iyun manggaling ay lambanog pa rin ang tawag. Kahit sa bubot na bulaklak ng niyog o sasa. Ang sinasabi ko palang may kulay ay tuba kung tawagin. Ang tuba ang produkto ng unang distillation. Kaya may kulay pa. May 80 to 90 proof ito. At ang lambanog na walang kulay ang produkto ng pangalawa o higit pang distillation. Ito ay umaabot nang hanggang 166 proof ayon kay Pareng Wiki. Huwag magtaka kung bakit may asukal na pula na naging brown nang inglesin at asukal na puti o white sugar.

puno ng sasa

bulaklak at bunga ng sasa

Tatlong 1.5 ang binili. Sinimulan ang isa. Masanghid sa ilong. Pero kering keri daw ni Dennis at Toyo. Sila na ang ipinanganak para bumarik. Tubig ang chaser at pritong manok (hindi karaniwang fried chicken) ang pulutan. Pulutan daw pero inupakan ng mga patay gutom at walang umay na manginginom. Di ko kinaya ang mga limang shot. Nagpabili si Dennis sa kanyang kuya ng Tang Orange para sa chaser.  Umikot ang tagay at wala pa ring Tang chaser. Umikot ulit. Wala pa rin. Baka sa bayan pa bumili si kuya.  Baka sa kapatagan pa. Naghanap kami ni Dennis ng Sprite. Bumili na rin ako ng Marlboro. Walang Gold. Red lang. Puwede na rin. Malapit lang ang tindahan. Mga apat na hagdan lang pababa.  Balik sa inuman. Aming natuklasan na hindi pala masarap inumin ang lambanog na may kahalong sprite. Parang lalo lang daw tumapang. Walang nang magagawa pa pag naghalo na ang inihalo sa pinaghaluan. Pinatulan na rin. Masarap naman yung chaser. Sprite din.

lalagyan ng lambanog

lalagyan ng lambanog

lalagyan ng sprite

Mahirap inumin ang lambanog. Ilang ikot bago maubos ang isang 1.5. Pero walang umubra nang si Joan ang taga tagay. May lakad yata kaya nagmamadali.

“Anong iniinom ninyo?”, tanong ng kapitbahay ni Dennis na kamag-anak niya rin. Hindi pala kapit-bahay. Kalayong-bahay dapat dahil hindi dito katulad sa Maynila na dingding lang ang pagitan. Pag sinabing… sige kapitbahay na nga, ibig sabihin noon ay kamag-anak na din. Ganito talaga dito, isang pisa kung tawagin.

“Lambanog ho, yung pinabili ko kay Kuya kanina.” sagot ni Dennis

“Ah, akala ko nama’y emperador. Meron pa ga diyan?” – kapitbahay/kamag-anak

“Ay sya sige inyo na areng isa!” -sagot ni Dennis

Mabuti na rin at kahit papaano ay nabawasan ang iinumin namin. Dumating na rin ang Tang. Mas masarap ngang chaser kaysa sa Sprite.

“Mabuti naman nakasama ka Asel!”, si Dennis

“Nag-aalangan nga ako kanina eh!”, si ako

“Biglaan kasi. Dapat kami lang ni Baby. Kaso nakakahiya naman sa inyo.” si Dennis

“Bakit di mo sila inimbenta?”, si ako

“Sino? Ay si Ryan inimbita ko. Di raw siya pwede. Busy daw sya. May videoshoot ek ek daw!”

“Oo nga, tinatawagan ko nga ayaw sagutin.”, singit ni Toyo. Pati si Gucci ayaw akong sagutin. Hindi rin nagre-reply. “Itatanong ko lang naman kung pwede akong sumali sa R U 1 of Us?? Gusto ko kasing sumali. Gusto kong mag Champion. “

Hahaha. Sasali daw siya sa Rotaract Quiz Bee. Iyon ay kung Rotaract pa siya.

“Anong ginagawa ninyo dito? Ang dami-daming project ngayon ng Rotaract eh nandito kayo!” tanong ko sa lahat. Malakas ang loob kong magtanong dahil hindi na naman ako Rotaract.

“Uy, hindi din ako Rotaract!” salo ni Reiner

Ang mga sumunod na pangyayari at mga usapan ay sinadyang hindi isalaysay dahil na rin sa mga ilang maselang isyu.

Nagsimula na namang mag unlicall si Toyo gamit ang kanyang iphone made in China. Tinawagan kung sinu-sino. Hindi ko na alam kung sinu-sino. May tama na rin ako. Ang huli kong alam na tinawagan niya ay si Mokong.

Blah, blah, blah, ang sabi ni Toyo.

Blah, blah, blah, ang sabi ni Mokong.

May gustong kumausap sa iyo, ang sabi ni Toyo.

Ipinasa kay Mumoy.

Ay hindi. Ayaw ko, ang sabi ni Mumoy

Ipinasa kay James.

Blah, blah, blah, ang sabi ni James.

Blah, blah, blah, ang sabi ni Mokong.

May gustong kumausap sa yo, ang sabi ni James.

Ipinasa kay Mumoy.

Ay hindi, ayaw ko, ang sabi ni Mumoy.

Ipinasa kay Joan

Blah, blah, blah, ang sabi ni Joan.

Blah, blah, ang sabi ni Mokong.

May gustong kumausap sa yo, ang sabi ni Joan.

Ipinasa kay Mumoy

Ay hindi. Ayaw ko, ang sabi ni Mumoy.

Ipinasa kay Dennis

Hello Asel, ay Marny pala, ang sabi ni Dennis

Blah, blah, blah, ang sabi ni Dennis

Blah, blah, blah, ang sabi ni Mokong

May gustong kumausap sa yo, ang sabi ni Dennis

Ipinasa kay Mumoy.

Ay hindi. Ayaw ko, ang sabi ni Mumoy

Ganun ang naging usapan. Puro blah blah blah.

Nang biglang straight-in ni Reiner ang natitirang lambanog. Madami-dami pa yun. Tapos ang inuman.

“Ang hirap kasi sa inyo….”, si Reiner.

Lagabang. Pinalo ni Reiner ang upuan.

“Ang hirap kasi sa inyo…”, si Reiner ulit.

“Uy Reiner. Nakakahiya. Wala tayo sa San Pedro!”, sabi ko

“Ang hirap kasi sa inyo….”, si Reiner.

Lagabang. Pinalo ni Reiner ang upuan.

“Ang hirap kasi sa inyo…”, si Reiner ulit.

“Uy Reiner. Nakakahiya. Wala tayo sa San Pedro!”, sabi ni Toyo.

Inaawat namin ni Toyo si Reiner

“Baka naman nagagalit ka sa amin pag sinasabihan ka na huwag magmumura at bawal ang negative? Iyon ay payong kaibigan laang.”, paliwanag ko.

“Hayaan nyo kami dito. Hindi yun ang problema niya. Kami ang may problema.”, ang pakiusap ni Dennis sa amin ni Toyo. Wala na si James at Joan, nagpapahinga na yata.

Tuloy ang pagpapaamo ni Dennis kay Reiner na sobra na ang pagpalo sa anumang maabot ng kamay. Umiiyak na rin si Reiner. “Ang hirap kasi sa inyo…, iyak, palo, Ang hirap kasi sa inyo…, iyak, palo, Ang hirap kasi sa inyo…, iyak, palo. Hindi mapaamo. Titigil lang siya kapag susuka. Nilubayan na namin ni Toyo. Si Dennis na lang ang nagbantay.

Nagtu-toothbrush ako nang si Joan naman ang umeksena. Nasusuka. Hindi naman makapunta sa banyo. Buhat-buhat ni James, ang kanyang irog at caregiver.  Pagkatapos sumuka, akala ko ay ok na, iaakyat sa kwarto. Buhat-buhat pa rin. Susuka na naman. Ganun lang. Paulit ulit. Unlimited. Kasabay ng pagwawala, pag-iyak at pagsusuka ni Reiner. Unahan sa banyo at sa lababo. Nang hindi makaya ni Dennis at James ang dalawa. Tumulong si Toyo na hanggang noon ay may kausap pa rin sa iphone made in China. Hindi pinatay ang phone bagkus ay ipinasa sa akin. Hindi ko alam kung sino ang nasa kabilang linya.

“Hello!”, sabi ko

“Hello!”, sabi ng kausap ko.

Nabosesan ko kung sino.

“Hello!”, sabi ulit ng kausap ko.

Hindi na ako nagsalita.

“Hello, sino to? Pag di ka nagsalita, puputulin ko na ito. Naririndi na ako!” sabi ng kausap ko.

“Eh di putulin mo!” sabi ko sabay lagay ng phone sa tabi ng lababo.

Aakyat na ako para matulog sabay kuha ni Toyo sa phone na nasa lababo.

“Hello, blah, blah!” sabi ni Toyo.

“Hello, blah, blah!” sabi ng kausap niya.

Walastik buhay pa rin. Unlimited.

Umakyat na ako para matulog. May tama na ako. Wala na akong pakialam sa kanila. Hindi rin naman sila nakikinig. Nakakarindi sila. Pag pasok ng kwarto, nandoon na pala si Joan at James sa kama. Sumusuka pa rin si Joan. Inaalalayan pa rin ni James. May nakalatag na banig sa sahig. Doon ako humiga. Biglang naramdaman ko ang pagkahilo. Umikot ang aking paningin. Tama nga na mararamdaman mo lang ang matinding tama kapag nakahiga ka na. Nasusuka na rin ako. Pero kaya namang pigilan. Ang ginawa ko Itinaas ko ang aking ulo at tuhod. Umupo. Nakaungkot sa sulok. Nawala ang akiung pagkahilo. Sinubukan ko ulit mahiga. Bumalik ang pagkahilo. Umungkot ulit ako. Hanggang sa makatulog nang nakaungkot. Sa sulok. Likas nang unti-unti akong nakahiga nang hindi ko namalayan. Wala na akong naalala na sumunod na nangyari.

Nagising ako sa matinding lamig. Umuulan. Sumisipol ang hangin. Malakas. May humahalinghing. Humahalinghing ang kabayo sa labas dahil sa ulan at hangin. Walang kisame ang bahay kaya dinig na dinig ang mga ingay. Lagaslas ng tubig sa bubong. Lagaslas ng tubig sa banyo. Iyak ng mga hayop. Iyak ni Reiner. Hanggang sa makatulog na ulit ako.

Ikatlong Kabanata- Sinsay

Umaga na. Gising na ang diwa ko pero tulog pa rin ang katawan ko. Wala naman hang-over. Walang sakit ng ulo. Walang sakit ng tiyan. Nakakatamad lang gumising dahil malamig. Nagpain-in lang ako saglit sa higaan.

Tumayo ako. Bumaba. Maaga pa pala. Alas otso lang ng umaga. Gising na si Toyo, Dennis at Reiner. Tulog pa sina Joan at James. Umaga. Oras ng ritwal. Isang tasang kape at isang stick ng Marlboro. Wala si Dennis at Toyo. Umakayat daw. Humada. Isang tasa pa ulit kape at isang stick ng Marlboro. Dumating na sina Dennis at Toyo. Sayang hindi ako nakasama. Pupunta daw sila sa batis para maligo pero baha daw dahil sa ulan kagabi. Wala pa ring Almusal. Ok lang hindi pa ako nagugutom. Isang tasang kape ulit at isang stick ng Marlboro. Wala lang. Parang nasa bahay lang ako sa Laguna. Pakape kape at pasiga-sigarilyo habang paikot-ikot sa halamanan. Wala pa ring almusal. Di pa rin naman ako gutom. Nagyaya ako kina Dennis na gumala. Paakyat ulit. Doon sa bundok. Hindi naman totoong bundok. Sadya lang paahon. Sinimulan naming bagtasin ang human threadmill. Dama ko kaagad ang hapo at yung pakiramdam na umaakyat ka pero parang humihila pababa. Tama. May humihila nga. Si Pareng Gravity pala yun. Suminsinsay si Dennis sa bawat kapitbahay/kamag-anak na aming madaanan. Kumustahan. Sikat na sikat si Dennis sa lugar nila. Paano naman kasi Mayor ang tatay niya. Tama Mayor ang tawag nila sa tatay ni Dennis. Tumakbo daw ito noong nakaraang eleksiyon pero di pinalad.  At ang nagwagi ay si Renato Alilio na pinsan buo pala ng mayor namin sa Lemery na si Eulalio Alilio. Small World.

 

the human threadmill

 

 

Suminsay si Dennis sa isang tita niya. Binati kaagad siya hindi ng tita niya kundi ng aso ng tita niya. Dinidilaan ang kayang paa. Ayos lang. Naki-istoryahan. Blah. Blah. Blah. Medyo nagtagal si Dennis sa huntahan. Naiinip na kami ni Toyo na naghihintay sa labas ng bakuran. Nakakangalay ang paghila ni pareng Gravity.

“Ano ba naman itong si Dennis? Ang tagal.”, si Toyo, nagrereklamo na.

Kuwentuhan pa rin.

Namimintig na ang paa namin. Ayaw pang umawat si Dennis sa pagkukuwento.

“AW! AW! AW!, ang sabi ng aso.

Hindi pinansin ni Dennis.

“AW! AW! AW!, ang sabi ng aso.

Deadma pa rin si Dennis.

“AW! AW! AW!, ang sabi ng aso. Niyaangan na si Dennis sa paghangkab. Ayaw tumigil ang aso. Iba nang klaseng emosyon ang nararamdaman ng aso. Hindi na pagka miss kay Dennis.

Nakadama na rin si Dennis ng kakaiba. Mukhang lalapain siya ng aso. Umakyat sa balustre ng terrace. Tuloy pa rin ang aso. Matagal. Ayaw tumigil ang aso. Nakasampa pa rin si Dennis. At ito ang kanyang itsura.

nang mawala ang poise ni Dennis

Parang narinig ng aso ang aming usapan ni Toyo habang naiinip kaya gumawa ito nang ganoong aksyon.  Sinaway ni Tita ang aso. Salamat na lang at nilubayan si Dennis.


Tuloy-tuloy lang kami sa human threadmill habang nasa background namin ang bundok ng San Cristobal na hanggang ngayon ay hindi pa ipinapakita ang kanyang tuktok dahil sa makapal na ulap. Tinawag din daw itong Devil’s Mountain sa di ko alam na kadahilanan. Malaking parte ng bundok na nakaharap sa amin ay parang denuded na. Pero sabi nila ay sadyang ganoon lang daw ang vegetation ng bahaging iyon. Mabababang damo at hindi matataas na puno katulad ng niyog kasi ang nanahanan doon. Pero di parin maitatangging may nagkakaingin din.

Nadaanan namin ang isang tuklong kung saan animo ay may pagpupulong na nagaganap. May bayanihan pala sa kapilya. Tulung-tulong ang mga kalalakihan sa pagsasa-ayos ng kapilya. Madaming nagtatrabaho nang libre di katulad sa Maynila na kinukwenta mo ang iyong kikitain sa bawat oras na dumadaan. Umaandar ang buhay na metro ng bawat isang empleyado. Umaandar din ang utak kung paano makakaisa sa kumpanya sa pamamagitan ng di aprubadong overtime at kung anu-anong sideline na pinapasok habang nakaupo lang sa opisina, nakaharap sa kompyuter at tumatawang mag-isa.

Tulad ng inaasahan napasinsay na naman si Dennis at nakipagkuwentuhan sa kanyang mga kamag-anak. Kami naman nina Toyo at Reiner ay nagpi- picture taking kasama ang San Cristobal sa likod ng tuklong sa may taniman ng kamote.  Sa di kalayuan ay may isang binatilyong umaakayat sa isang puno ng niyog na may kataasan. Nagpupute siya ng niyog. Wala siyang tali o kahit anong harness na gamit.  Kinuhanan ni Reiner ng picture.

ang San Cristobal at ang kamote plantation

 

si Toyo habang nangangamote

 

 

 

Nang matapos si Dennis sa huntahan, balik kami sa human threadmill. Pupunta daw kami sa kanilang bukid. Bukid sa itaas ng bundok. Hindi naman bundok, talagang mataas lamang.

Nadaanan ulit namin yung binatilyong nasa tuktok na ng puno ng niyog. “Ganyan din ako noong bata ako.” Pagyayabang ni Dennis. “Pero ngayon…. hindi ko na kaya… hindi na kaya ng katawan ko… Mahina na ang tuhod ko!” palusot ni Dennis.

hanapin si kuya sa puno ng niyog

 

 

Ikaapat na Kabanata- Muntik nang Maabot ang Langit

“Punta tayo don!” si Toyo habang itinuturo ang isang lagnas sa ilalim ng bangin at sa lugar ng kinatatayuan namin.

“Gusto mong pumunta don? Sige itulak kita.”  sagot ni Dennis. “Ayoko madulas dyan.”

Konti pang lakad. Biglang kumanan. Kumapit sa puno ng bayabas. Nakaangkla ang paa sa madulas na bato. Paakyat sa bukid nina Dennis. Nakaraos kaming lahat maliban kay Reiner na medyo nahirapan.

Tumambad sa amin ang malawak at hubad na lupa na napapaligiran ng maraming klaseng damo at may mangilan-ngilang matataas na na puno ng niyog. Katatapos lang ng ulan kaya basa ang lupa. May putik pero di alintana. Di katulad sa Maynila na ayaw na ayaw mong madumihan ang sapatos o havaiannas. Walang anu-anong binaybay ang araruhan patungo sa isang maliit na kubo. Pero may sumigaw sa di kalayuan. Tatay pala ni Dennis. Si Mayor.

sa kabukiran

 

 

Bumaling at bumalik patungo sa kinaroroonan ni Mayor. May kataasan na ang mga tanim na balinghoy sa kabilang pitak ng araruhan kung saan naroroonan ang Mayor.

“Dine kayo mag picture sa puno ng niyog na are. Tingnan  ninyo… tatlo ang sanga.” si Mayor

Kaunti pang lakad. Kamangha-mangha nga kung iisipin mong may talong sanga ang puno ng niyog. Di katulad sa karaniwang mga niyog at uring palmera na isang tuwid lamang. Tinamaan daw ng kidlat at nakasurvive. Hindi naman nag mutate. Talaga lamang nahati ang ubod na siyang tinutubuan ng dahon. Pero maliit pa ang sibol ng mga sanga kaya hindi masyadong makakuha ng atensyon. Yung hindi naman sanay sa probinsya ay baka isiping- “Ay ano naman? Yung ngang mangga ang dami-daming sanga. “

 

Ang niyog na may talong sanga

 

 

tinutukan at pinalaking larawan ng tatlong sanga

 

Kayo namangha ba kayo?

Siguro hindi. Pero isasama namin kayo pag ganito na ang hitsura:

 

“Gusto nyo gang mura? May bagong pitas dyan.” si Mayor

“Sige ho.” sagot ni Dennis

Ano bang mura?” usisa ni Reiner

“Ay di buko!” sagot ko

Gamit ang matalas na gulok. Tinalupan ni Mayor ang mga mura.

“Ano po iyan? Mala-uhog o malakanin? tanong ni Toyo

“Ay medyo magulang na. mala-kanin na are. Pang salad.” sagot ni Mayor

“Alam go naman iyon Toyo?” si Dennis

“”Oo naman, magbubuko kaya ako!” sagot ni Toyo

Model ng Mura

Masarap Magmura

 

Mukhang Mura

Sabaw lang ng mura ang tinira namin. Baka kasi sikmurain. Iuuwe na lamang sa bahay ang mura.

Tuloy sa kuwentuhan. Kasama si Mayor. Ala tourist guide. Aniya… ”Ipinalabas doon sa Jessica Soho yung tungkol dyan sa San Cristobal ah! Si Jay Herrera yung blogger na nag aadventure tapos nagsusulat ng tungkol sa mga pagkain. Taga rito yun. Tumigil daw dyan sa bundok tapos nagluto kung anong available na sangkap. May tayngang daga…”

“Ah ito si Asel nagba-blog din. Baka kilala mo yun?” singit ni Dennis

“Pamilyar yung pangalan!” sagot ko

“Kilala ninyo si Alcala? Yung dating Secretary ng Agriculture. Taga rito rin yon.” pagpapatuloy ni Mayor.

Tuloy ang kuwentuhan habang nagpi picture-taking habang si Kuya na alalay ni Mayor ay nag-araro.

“Noon bata ako, magaling din akong mag-araro!” sabi ni Dennis

Masipag nga pala itong si Dennis dati. Naakyat ng puno ng niyog. Nangungumpay. Nag aararo. Pero ngayon iba na ang inaararo.

 

Somewhere over that mountain...

 

Halina't pannorin ang kalabaw

 

Ano yon?

 

Malakas ang signal sa bundok

 

Malamig dito kaya ako nag boxers

 

Ang Toro at ang Torero

 

Abangan ang susunod pang kabanata…

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 


 

Ang Katutubo at ang Bentilador

May isang katutubo na first time na nakarating sa sibilisasyon.  Manghang-mangha siya sa kanyng nakita.  Na-curious siya sa isang bentilador.  Lalo na nang ito ay umandar at umikot.  Pilit niyang hinabol ang hangin na naggagaling sa bentilador.  Di nagtagal siya ay napagod at tumigil siya paghabol.  Naupo na lang siya sa isang tabi at hinintay na lang na bumalik sa kanya ang hangin.  Lalo siyang namangha at kanyang nasabi:  “Galing-galing, minsan sa iyo minsan sa akin!”

Iyan ang kwento ng isang katutubo at ng isang bentilador!

Ikaw?

Isa ka bang katutubo?

O isa kang bentilador?

LANDSLIDE (Ang Bilog, Ang Opisyal na Babasahing Pampanitikan ng San Pedro College of Business Administration, Nobyembre 2005)

“Hindi ka pa ba matutulog?”

Ang tanong ko kay Luisa, sapagkat ako’y nababahala na sa mga ipinagkikilos niya nitong mga nakaraang araw.  Wala akong natanggap na sagot mula sa kanya.  Mula sa beranda, tuloy-tuloy siya patungong silid nang hindi man lang lumilingon sa akin.  Sinadya kong magpaiwan sa labas.  Siguro’y dahil na rin sa pagkapahiya sa di niya pagtugon.

Nakapaninindig-balahibo ang lamig na hatid ng gabi.  Paano kaya ito nakayanan ni Luisa?  Hindi kaya kinausap niya ang mga kuliglig?  Hindi kaya nakipagkuwentuhan siya sa sipol ng hangin?  O di ka’y nakipagtitigan siya sa buwan?

Anim na taon na kaming kasal  Ang unang tatlong taon ay sing-aliwalas ng hanging amihan.  Subalit ang huli’y dinaluyong ng habagat.  Mayroon kaya akong nagawang pagkukulang?


Napatingin ako sa itaas para sa kasagutan.  Pero walang naghimalang sumagot sa akin.  Maliban sa pagpatay-sindi ng mga magagarang ilaw ng mansion sa tuktok ng talampas na tila sumasagot ng… Meron… Wala… Meron… Wala… Meron?

Kami ay nakatira kung saan ang estado ng pamumuhay ay nasusukat sa pamamagitan nang taas ng lugar na tinitirikan ng bahay.  Overlooking kung tawagin.  Kung saan ang matatarik na dahilig ay walang patumanggang pinatag upang pagawan ng mga kalsada.  Kung saan ang mga malalaking puno ay walang habas na pinagpuputol upang bigyang daan ang mga poste ng ilaw.  At kung saan ang masukal na kagubatan na dating kanlungan ng mga  maiilap na hayop ay pinaamo upang magbigay-pugay sa mas mataas na uri ng hayop- ang mga tao.

Sa mababang parte pa ng bundok kami nakatira noong bata pa ako.  Kaming mga mahihirap ang tagasalo ng mga basura at baha ng mga tagataas.  Hindi man nila sinasadya, talagang itninadhana na ang tubig at ano pa man ay bumagsak mula sa itaas patungo sa ibaba.  Sa paghahangad na mapataas pa ang aming kinalalagyan , nagsumikap nang husto ang aming mga magulang.  Nag-aral akong mabuti at di naglaon ay gumapang sa saril kong mga paa at mga kamay upang makarating sa kinaroroonan ng sarili kong pamilya ngayon.  Wala doon sa baba.  Wala doon sa pinakamataas na halos ay maabot mo na ang langit.

Sa tingin ko ay sapat na aking nagawa para sa isang maliit na pamilya.  Ako.  Si Luisa, ang aking asawa.  At ang aming nag-iisang anak na tatlong taong gulang.  Nais ko sana ay magkaroon pa nang isa… dalawa… tatlo… o higit pang mga anak, subalit maisasakriisyo ko ang  aming kalagayan.  At sa tingin ko rin  naman ay dahil na rin sa kagustuhan ni Luisa.  Lalo pa kong magsusumikap upang matupad ko ang aking ninanais at makaakyat pa kahit isa… dalawa… tatlo… o higit pang mga hakbang pataas.

Meron… Wala… Meron… Wala… Meron… Wala?, ang sagot ng pata-sinding mga ilaw.  Gusto ko sanang hintaying patayin ng may-ari ang mga ilaw na iyon sa mansiyon upang malaman ko ang kasagutan sa katanungang bumabagabag sa akin.  Subalit tila napasailalim ako sa kapangyarihan ng mga iyon at ako ay nakadama ng pagka-antok.

Pumasok ako sa kuwarto upang magpahinga na at sa pag-asang tulog na rin si Luisa.  Subalit natagpuan ko siyang nakaupo sa harap ng pugon, nanginginig at panay ang haplos sa sariling mga kamay.  Patay na ang aircon at sarado na ang mga bintana ngunit matindi pa rin ang kanyang pagkaginaw.  Nilapitan ko siya mula sa likuran at ibnalabal ang aking mga kamay sa kanyang katawan.  Walang anu-ano ay tinabig niya ako at lumabas ng kuwarto.  Pumasok siya sa kabila- doon sa kuwarto ng aming anak.  Sinundan ko siya para kausapin pero ang pagkandado ng pinto ang isnagot niya sa akin.

Bumalik ako sa aming kuwarto.  Ipagpapabukas ko na lamamg ito.  Mapayapa akong matutulog ngayon at bukas ay sisimulan ko nang ayusin ang aming pagsasama.

Nagising ako sa pagkaka-idlip.  Narinig kong umiiyak ang aming anak.  Kinuha ko ang susi.  Binuksan ang pinto.  Binuksan ko ang ilaw.  Dali-daling yumakap sa akin ang aking anak.

Wala si Luisa…

Nasa beranda siguro…

Pero wala si Luisa sa beranda…

Bumaba akong akay-akay ang aking anak upang hanapin si Luisa.

Sinuyod ko ang buong kabahayan.  Pati ang tarangkahan… Wala si Luisa.  Kinuha ko ang susi ng aking sasakyan at nagpasyang hanapin si Luisa sa labas kasama ang aking anak.

Dahan-dahan kong binaba ang dahilig.  Hinanap ko si Luisa sa gulod.  Hinanap ko si Luisa sa kabilang ibayo ng bundok.  Hinanap ko si Luisa sa lambak… Wala si Luisa.  Nagpasya akong magpahinga muna sa kapatagan,  Gamit ang maliwanag kong lente, tuloy pa rin akong naghanap ng anumang senyales ni Luisa.

Hindi ko nakita si Luisa.  Kinalma lang ako ng ng ideyang siguro’y nandoon siya sa kanyang mga magulang.  Sa bayan.

Nakatulog na rin ang aking anak sa loob ng sasakyan.  Malayo na rin ang aming narating.  Nagpasya akong simulan ang paglalakbay pauwi ng bahay.  Siguro nga ay nasa mabuti nang kalagayan si Luisa ngayon.

Habang naglalakbay, naisipan kong siguruhin si Luisa.  Pero walang signal sa loob ng sasakyan.  Inihinto ko saglit at nilabas ang sasakyan upang siya’y tawagan.

Pagbukas ko ng pinto ng sasakyan ay may kakaiba akong narinig at naramdaman.

Maingay- pinaghalu-halong iyak ng mga tao at hayop.  Dumadagundong.  Nabubuwal ang mga poste ng ilaw at ang mga puno.  Nagdidilim.  Nadarama ko ang mangilan-ngilang piraso ng bato sa aking balat.  Lumilindol.  Pumasok ako ng sasakyan upang siguruhin ang aking anak.

Mas magiging delikado kung aalis pa kami asa aming kinaroroonan.  Siguro naman ay ligtas kami ditto sa gitna ng kapatagan.  At kung hindi man ay mas gugustuhin kong magkasama kami ng aking anak na lamunin ng lupa.

Nabasag ang salamin sa likuran.  Bagamat nakapreno ang sasakyan, nararamdaman ko ang paggalaw nito.  Paabante.  Paatras.  At kahit na lateral.  Tinamaan nang may kalakihang bato ang salamin sa harapan. Sumugat sa akin ang kapirasong salamin.  Masakit, pero ayokong mas masaktan ang aking anak.  Niyakap ko siya nang mahigpit.

Maliwanag na nang humupa ang pagyanig.  Wala namang masamang nanyari sa akin at sa aking anak.  Una kong hinanap si Luisa.  Wala siya sa bayan.  Nasaan kaya si Luisa?

Paano kaya kung bumalik pala siya sa sa bahay? Paano kung…?

Daan-daang tao ang nawalan ng buhay at bahay.  Milyun-milyong halaga ng ari-arian ang kinain ng lupa.  Napatag ang bundok.  Patung-patong ang mga pira-pirasong bangkay ng di makilalang tao at hayop.  May mga taga-kapatagan.  May mga taga-burol.  May mga taga-talampas ng bundok.

Tatlong araw na ang aming paghahanap.  Wala si Luisa.  Ipinasa-Diyos ko na lang siya.  Subalit sayang ang aming nasimulan.  Sayang ang mga pangarap ko para sa kanya.  Sayang ang isa… dalawa… tatlo… o higit pang mga mga hakbang na kung hindi man paakyat ay tungo sa ikabubuti ng aming pagsasama.  Sayang ang lahat lahat na biglang buimagsak at naglaho kasama ng bundok…  Magsisimula ulit kami ng aking anak.

Pero bilang pasasalamat na rin sa pagkakaligtas namin, tumulong ako sa paghuhukay.  Karimarimarim ang panoorin. Ang nakahihimatay na amoy ay lalo pang pinatindi ng lamig ng panahon.  Wala nang naglakas-loob pang sumuong sa mapanganib na lugar.  Umasa na lang kami sa mga aso at mga langaw na kung saan nagkukumpulan ay doon malaki ang posibilidad na mayroong biktima.  Wala akong nakitang palatandaan ni Luisa.

Damang-dama ang hapis sa bawat isa.  Hindi nila matanggap ang pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.

Nang biglang halos may himatayin sa katatawa.

“HA HA HA HAAAAAAAAA!”

Marami ang nairita sa tinuran ng isang maghuhukay.

“SI DON SOTERO, SI DON SOTERO! HA HA HA HAAAAAA!”

“HA HA HA HAAAAAAA!”

Sumunod pa ang ilan sa katatawa.

Lumapit ako para malaman ang dahilan.  Si Don Sotero pala ang na may-ari ng pinakamalaking mansiyon sa tuktok ng talampas ang kanilang natagpuan.  Pero hindi siya nag-iisang natagpuan.  Hubo’t hubad itong nahukay na may kasama na kapwa walang saplot.  Hindi man lang natinag ang dalawa sa pagkakapatong.  Napangiti lang ako sa nasaksihan.  Tulong-tulong naming binaligtad ang bangkay ni Don Sotero.  Hindi makilala ang babae sa sinapit ng mukha nito.  Nang biglang magdilim ang aking paningin… Naghalo ang awa…poot… galit… at suklam sa aking dibdib.Landslide by Smashing Pumpkins

Paunawa:  Ang mga nabanggit na pangalan, lugar at pangyayari ay pawang kathang-isip lamang.

Ikaw at ang Iyong Numero

Tulungan mo ‘kong limutin ka

Ang nakaraan huwag nang ipaalala

Araw-araw  na laging masaya

Noong tao ay magkasama

Tulungan mo akong limutin ka

Itatak sa utak, wala nang pag-asa

Itato sa noo, wala na talaga

Dapat ka nang kalimutan, laging ipaalala

Itapon mo na ang iyong telepono

O kaya’y ipanakaw mo

Baguhin mo na pati numero

Huwag ipost sa facebook yung bago

Nang di ko na makabisado

Kung walang pambili magbibigay ako

Bastat tatandaan ang utang mo

Madaling kalimutan ang kung anu-ano

Pero mahirap kalimutan

Ikaw at ang iyong numero

Tulungan mo ‘kong limutin ka

Sabihing “Ikaw, sa aki’y di mahalaga”

Kung ito ay di uubra

Mabuti pa sigurong magka amnesia

Tulungan mo akong limutin ka

Turuan mo ‘kong magmahal nang iba

Utusan mo ang isip ko at kaluluwa

Dapat ka nang kalimutan, laging ipaalala

Ang Aking Resolusyon Ngayong Bagong Taon: Ngumiti, Bumungisngis, Tumawa at Humalakhak

“WORRYING does not take away tomorrow’s TROUBLES, it takes away today’s PEACE.”

Itong mga pangungusap na ito ang nagbigay sa akin ng kakaibang inspirasyon upang simulan ko ang bagong taon nang may baong bagong tapang at bagong saya.  (Pasensya na, sadyang napakahirap isalin nito.  Kayo! Subukan ‘nyo nga!)

Tama naman, hindi ba? Anong mapapala mo kung ikaw ay magmumukmok? Mawawala ba ang mga problema ng bukas? Hindi! Sa halip, ang ninanakaw sa iyo ng iyong pag-aalala ay ang kapayapaan ng ngayon.

Ngunit hindi ito nangangahulugan na tawanan mo na lang ang iyong mga problema.  Hindi ka lang magmumukhang baliw, sa katunayan ay mababaliw ka talaga pag sumalubong nang sabay-sabay sa iyo kinabukasan ang mga problemang lubhang lumobo at lumaki dahil sa iyong pagsasawalang-kibo sa mga simple at maliliit na problema ng kahapon at ngayon.  Pag sinabing simple, iyon ang tipo na problema na puwede mong harapin at resolusyunan habang ngumingiti.

Ang una kong payo sa iyo ay- “Hindi ka nag-iisa dito sa mundo.” Marami kang kaibigan na iyong masasandalan sa oras ng kalungkutan at pagsubok. Oo, may isa… dalawa… tatlo…apat… Apat lang?!  Teka! Mag-imbentaryo ka muna kaya ng iyong mga kaibigan. Simulan mo ngayong taon na ito. Ilan ba ang natira mong kaibigan noong Taong 2010?  Ito ang ending inventory mo noong Taong 2010 at ito rin ang magiging beginning inventory mo ngayong Taong 2011.  (Paglilinaw lang: ang stress sa salitang “natira” ay nasa ikatlo o huling syllable! Pwede ring sa unang pantig depende  kung tagasaan ka. Pero huwag na huwag ilalagay ang stress sa pangalawang pantig. “Natira” as in nalabi o naiwan ang ibig kong sabihin).

Ano ba ang akmang bilang ng kaibigan? Mangolekta ka nang mangolekta ng kaibigan. Kahit ilan ang gusto mo. May nagsasabi na dapat ay pumipilii ka ng kaibigan.  Mali ang hinuhang ito. Walang masamang kaibigan. Kaya kaibigan ang tawag. Baka kaaway ang ibig nilang sabihin. Kaya ang layunin mo sa taong ito ay ang madagdagan pa ang bilang ng iyong mga kaibigan.

Paano ba nadadagdagan, nare-retain o nababawasan ang bilang ng kaibigan?  Ang mga kaibigan ay hindi katulad ng purchases o raw materials sa accounting. Hindi mo sila puwedeng bilhin, utangin, hiramin o tanggapin bilang donasyon o regalo. Hindi rin sila puwedeng ibenta, i-donate, iregalo o itapon na lang kapag wala nang value. Ito ang talagang pagsubok- ang kung paano mo magagawang kaibigan ang lahat ng tao kahit pa dati mo silang karelasyon, kaaway, karibal, bumasted sa iyo o ano pa man. Napakahalaga na mayroon kang kaibigan. Kahit di best friend. Ang pakikinig at ang mismong pagsasabi mo na “Corny naman ng joke mo!” ay sapat na para kahit papaano’y ikaw ay mapapangiti. Aminin mo ang pinakanakakatawa o di kaya’y pinakamasayang joke ay yung corny. Ito ay dahil sa- hindi yung joke sa halip ay iyon mismong kaibigan mo ang iyong tinatawanan .

Malaki ba ang beginning inventory mo ngayong 2011? Ngayon, mag set ka ng goal. Mag forecast ka ng 200% increase.

Paano kung wala kang natirang kaibigan noong 2010? Paano kung wala kang beginning inventory ngayong 2011? Imposible. Ikaw! Oo ikaw nga! Ikaw ang pinakamahalaga mong kaibigan. Kapag pinahihirapan ka na ng iyong sarili, hindi mo na siya maituturing na kaibigan. Mahalin mo rin siya para mahalin ka rin niya. Sa oras na maubos lahat ng iba mong kaibigan at nagbabadya ang problema ng bukas, huwag mong hahayaan si “Ikaw” na nakawin sa iyo ang kapayapaan ng ngayon. Magtulungan kayong magplano ng resolusyon sa mga problema habang ngumungiti, bumubungisngis, tumatawa at humahalakhak. Huwag matakot mag-isa. Kasama mo si Ikaw. Huwag mahiyang ngumiti, bumungisngis, tumawa at humalakhak mag-isa.

Dahil diyan ito ang para sa iyo: (Ito ay koleksyon ng mga tanong at sagot sa “Willie of Fortune” sa programang “Wowowee”. Na-grab ko lang ito  sa facebook. Naka- JPEG format yung original kaya mahirap basahin at hindi masyadong makakuha ng atensyon. Dahil sa pagshe-share at pag-ga-grab, nawala na ang intellectual right ng orihinal na may-ari. Kung sino ka man, maraming salamat.) T= Tanong, S=Sagot

T: Ano sa tagalog ang teeth?

S: Utong

T: Kung ang light ay ilaw, ano naman ang lightning?

S: Umiilaw

T: Kung vegetarian ang tawag sa kumakain ng gulay, ano tawag sa kumakain ng tao?

S: Humanitarian

T: Sina Michael at Raphael ay mga…

S: Ninja

T: Ano ang karaniwang kasunod ng kidlat?

S: Sunog

T: Magbigay ng sikat na Willie

S: Willie the Pooh

T: Ang mga Hindu ay galing sa anong bansa?

S: Hindunesia

T: Anong hayop si Kingkong?

S: Pagong

T: Magbigay ng mabahong pagkain

S: Tae

T: Saang bansa matatagpuan ang Canadians?

S: Canadia

T: Kumpletuhin: Little Red…

S: Ribbon

T: Ano ang tinatanggal sa itlog bago ito kainin?

S: Buhok

T Magbigay ng pagkain na dumidikit sa ngipin

S: Tinga

T: Anong oras kadalasang pinapatay ang TV?

S: Pag balita

T: Ano ang tawag sa anak ng taong grasa?

S: Baby oil

T: Saan karaniwang ginagawa ang mga sweets na ginagamit sa halu-halo?

S: Sweetserland

T: Sinong higanteng G ang tinalo ni David?

S: Godzilla

T: Ano ang mas malaki, itlog ng ibon o sanggol ng tao?

S: Itlog ng tao

T: Anong S ang tawag sa doctor na nag oopera?

S: Sadista

T: Blank is the best policy

S: Ice Tea

T: Saan binaril si Jose Rizal?

S: Sa likod

T: Fill in the blank:  Beauty is in the eye of the…

S: Tiger

T: Ano ang kinakain ng monkey-eating eagle?

S: Saging

T: Kung ang suka ay vinegar, ano naman ang toyo?

S: Baliw

T: Ano ang tawag mo sa kapatid ng nanay mo?

S: Kamag-anak

T: Saan nakukuha ang sakit na AIDS?

S: Sa Motel

T: Kung ang H2O ay water, ano ang CO2?

S: Cold Water

T: Sinong cartoon character ang sumisigaw ng “yabba dabba doo”?

S: Scooby Dooby Doo

T: Heto na si Kaka, pabuka-bukaka…

S: Operadang bakla

T: Ilan ang bituin sa American Flag?

S: Madami!

T: Ano ang tawag sa taong isa lang ang mata?

S: Abnormal

Mga Pahuling Salita:

1.  Gumawa ako ng isang blog sub-account na ito bilang pagsuporta sa adbokasiya ni G. Bernard Umali (ang may pakana ng Saranggola Blog Awards) na itaguyod ang Wikang Filipino sa pamamagitan ng blogging.

2. Mas mahirap talagang magsulat gamit ang Wikang Filipino kaysa sa magsulat gamit ang Wikang Ingles kaya may mga rough translations dito (hindi accurate),  Españoladong Filipino (adbokasiya) at mga English technical terms (blog, etc.) na talaga namang kayhirap hanapan ng akmang pagsasalin sa Filipino. Hindi bale.  Kaya nga Filipino at  hindi Pilipino o Tagalog ang ating Pambansang Wika, ito ay para makupkop ang ilang mga banyagang salita gaya ng Spanish at English.  Malay natin, balang araw, ako ay magiging isang pantas o paham sa larangan ng Wikang Filipino.

3. Halata! (Read: Obviously) Ito ang una kong blog sa sub-account na ito.